NHA TRANG CITY--Plano ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na magtakda ng pagpupulong sa hanay ng mga top officials ng PBA at collegiate leagues kagaya ng UAAP at NCAA sa layuning mapag-isa ang kanilang mga iskedyul para sa kalendaryo ng FIBA-Asia.
Ito ang inihayag ni SBP executive director Renauld “Sonny” Barrios matapos mabigo ang Energen Pilipinas na mahugot ang ilang top players para makalaro sa FIBA-Asia U-16 Championship dito sa Khan Noa Sports Center.
“These are the things we need to address at the SBP level, rationalize the calendar of the big leagues like the PBA, UAAP and NCAA so that we can synchronize it with the FIBA-Asia calendar,” wika ni Barrios.
Nabigong makuha ni Energen Pilipinas coach Olsen Racela sina San Beda stars Arvin Tolentino, Gideon Babilonia at Radge Tongo at La Salle-Greenhills scorer Gelo Vito dahilan sa kanilang paglalaro sa NCAA high school finals.
Nabigo ang Nationals na makapasok sa finals ng FIBA-Asia U-16 Championship at sa 2012 World U-17 Championship san Kaunas, Lithuania nang makalasap ng 58-67 pagkatalo sa South Koreans.
Samantala, minalas pa ang Nationals nang malasap ang panaibagong pagkatalo sa mga kamay ng Japan, 94-81 na naging daan upang malagay ang koponan sa ikaapat na puwesto.