MANILA, Philippines - Hanggang sa huling minuto ay hindi pa natiyak ng Bolts ang kanilang ikalawang sunod na panalo.
Mula sa krusyal na turnover ni Cyrus Baguio sa huling 11.0 segundo, tinalo ng Meralco ang Alaska, 81-75, sa elimination round ng 2011-2012 PBA Philippine Cup sa Smart-Araneta Coliseum.
Umiskor si Chico Lanete ng 17 points para sa pangalawang dikit na ratsada ng Bolts matapos gulantangin ang Petron Blaze Boosters, 80-70, noong Oktubre 23.
“We wanted to make sure that we build on our character,” sabi ni coach Ryan Gregorio.
May 4-2 baraha ngayon ang Meralco sa ilalim ng Rain or Shine (4-1), nagdedepensang Talk ‘N Text (3-1), Petron Blaze (3-1) at Barako Bull (3-1), kasunod ang Ginebra (3-2), B-Meg (2-3), Alaska (0-5) at Shopinas.com (0-5).
Kasalukuyan pang naglalaro ang Tropang Texters at Boosters habang isinusulat ito.
Mula sa 52-56 agwat sa third period, sumandig ang Bolts kina Lanete, Mac Cardona at Asi Taulava para sa kanilang 70-66 abante sa 6:06 ng fourth quarter.
Huling nakalapit ang Aces sa 75-76 sa 1:17 ng laro galing sa follow up ni Baguio. Matapos ang split ni Sol Mercado sa huling 58.2 segundo para sa 77-75 bentahe ng Meralco, nabigo naman ang Alaska sa kanilang opensa.
Isang turnover ni Baguio sa natitirang 11.0 segundo ang nagresulta sa dalawang freethrows ni Gabby Espinas para ilayo ang Bolts sa 79-75.
Meralco 81--Lanete 17, Isip 10, Cardona 10, Mercado 8, Espinas 8, Omolon 8, Macapagal 7, Borboran 4, Taulava 4, Ballesteros 3, Yee 2, Faundo 0.
Alaska 75--Thoss 19, Baguio 18, Reyes 11, Dela Cruz 8, Tenorio 7, Baracael 4, Custodio 4, Mepana 2, Cablay 2, Eman 0.
Quarterscores: 20-19; 36-36; 52-56; 81-75.