Espesyal ang kampeonato ng Lions ngayon - Lim
MANILA, Philippines - Lahat ng titulong napapanalunan ay matamis, pero para kay San Beda coach Frankie Lim ay espesyal ang tagumpay na nakuha ng koponan sa 87th NCAA men’s basketball.
Winalis ng Lions ang naunang namayagpag na San Sebastian sa best-of- three Finals bagay na hindi inasahan ni Lim na mangyayari dahil sa dinaanan ng koponan sa panimula ng torneo.
Nalagay sa alanganin ang asam na kampeonato dahil hindi nagamit ng Lions ang pambatong American center at MVP ng 86th season na si Sudan Daniel dala ng pagkakaroon ng ACL.
Ngunit nagawang balewalain ito ng Lions dahil sa kanilang magandang teamwork at ang pag-angat sa antas ng paglalaro ng mga big men na sina David Marcelo, Jake Pascual, Kyle Pascual at David Semerad.
“It wasn’t easy lalo na sa start ng tournament dahil wala si Su (Daniel). But that was the challenge to the team especially for our bigs. I told Kyle, Jake, Dave and David that they have to step up their game dahil wala na kaming huhugutin pa. And they responded,” ani Lim.
Ito ang ika-17 titulo ng Lions para mapantayan ang Letran sa paramihan ng titulong naisubi sa pinakamatandang collegiate league sa bansa.
Panlima rin ng San Beda sa anim na sunod na pagtuntong sa Finals at ikalawang sunod sa tatlong pagkikita nila ng Stags.
“One thing that the team also possess is we have unselfish players. At the start at sa pagbuo sa team, we tell them we have to be unselfish. We will not simply rely on one guy because this team is about our program,” dagdag pa ni Lim.
Si Garvo Lanete ang kamador ng koponan at naghatid ng 17.3 puntos pero sina Rome dela Rosa, Marcelo, Jake Pascual, Kyle Pascual at Baser Amer ay nagtatambal sa 40 puntos para sa magandang pagtutulungan.
Si Marcelo na kasama ni Lanete at Mar Villahermosa ay mamamaalam na matapos ang season ang siyang hinirang bilang Finals MVP sa ibinigay na 8.1 puntos, 13.5 rebounds at 1 block.
- Latest
- Trending