MANILA, Philippines - Nilimitahan lamang ni national player Veronica Belleza sa apat na hits ang Central Philippine University-Iloilo para kunin ng Rizal Technological University (RTU) ang 2-0 panalo at angkinin ang 16th PSC-Philippine University Games softball title na natapos kahapon sa Roxas City School for Philippine Craftsmen, Roxas City, Capiz.
Ang 18-anyos na si Belleza na lalaro sa SEA Games sa Indonesia, ay mayroon ding anim na strikeouts upang manalo sa tagisan laban sa mas nakakatandang kapatid na si Vicky Rose na pumukol sa CPU at nagbigay ng pitong hits, dalawang runs at tatlong strikeouts.
Sina Analyn Magnipis at Shirley Calderon ang umiskor para sa RTU na nangyari sa ikalawa at ikaapat na innings sa mga singles nina Maean Bautista at Anna Mae Chavez.
Dalawang koponan lamang ang kasali sa softball kaya nauwi ang tagisan sa best of three series at ang RTU ay umani ng 2-0 sweep matapos kunin ang 5-0 panalo sa game one.
“Dalawang sunod kaming runner-up sa Adamson kaya masaya kami at nanalo ngayon. Si Veronica lamang ang beterano sa team dahil ang iba ay mga first year pa lamang pero kung nandito ang Adamson ay palagay ko magiging maganda pa rin ang labanan,” wika ni RTU coach at national team assistant coach Carmelita Velasco.
Namumuro rin ang ibang koponang lahok ng RTU sa ibang sports events sa isang linggong torneo na suportado ng Sandugo Sandals at Gatorade.
Ang kanilang sepak takraw team na siyang defending champion ay umani ng 2-0 panalo sa Dipolog Medical Center College habang ang men’s table tennis team na pumangatlo noong 2010 ay nagtala ng 3-0 panalo sa La Salle-Ozamiz.
Matibay naman ang tayo ng iba pang nagdedepensang kampeon mula Metro Manila tulad ng women’s basketball titlist Adamson na tinuhog ang 2-0 karta gamit ang 88-48 panalo sa Holy Cross Davao.
Bumagsak naman ang dating malinis na National University nang tumaob sa CSB-La Salle, 78-68, para magsalo ang dalawa sa 2-1 baraha.
Ang FEU men’s volleyball team ay nanaig sa Ateneo de Davao, 25-9, 25-7, 25-4, para sa 2-0 karta habang ang Lady Tamaraws ay nagpapasikat din sa ikalawang panalo laban sa Mindanao State University, 25-12, 25-13, 25-21.
Ang San Beda ay umani ng 3-0 panalo sa Holy Angel University para sa unang panalo sa title defense sa men’s table tennis.
Hahataw na sa paramihan ng gintong medalya ang mga kasaling koponan dahil nagsimula na kahapon ang labanan sa athletics habang ang swimming events ay bubuksan ngayon.