MANILA, Philippines - Diniskaril ng Star Group of Publications ang ilang ulit na tangkang pagbangon ng 100plus Isotonic Sports Drink upang itakas ang makapigil-hiningang 64-58 panalo at ibulsa ang korona ng 2011 MBL Corporate Cup basketball championship San Andres gym sa Malate, Manila nitong Sabado.
Muling inilabas ni Jong Bondoc ang kanyang matatag na pulso para sa mga krusyal na basket kung saan ilang ulit itong sumagasa ng mga tira na hindi nakayanan ng mga malalaking tao ng 100plus at tumapos ng game-high 14 puntos sa ligang ito na itinataguyod ng Cebuana Lhuillier, Ironcon Builders, Dickies Underwear, PRC Couriers at WG Diner.
Nag-ambag sina Mario Geocada, Gio Coquilla , Chris Corbin, Ver Roque at Dennis Rodriguez ng 13, 19, 8 at 7 puntos, ayon sa pagkakasunod para sa Starmen na kinuha ang panibagong titulo sa ilalim ng paggabay nina coach Alfred Bartolome at assistant coach Rene Recto at manager Mike Maneze.
Si Rodriguez din ang nahirang na Most Valuable Player ng tournament.
Mismong ang Star Group owner na si Miguel G. Belmonte ang siyang tumanggap ng championship trophy mula kay MBL commisioner Loreto ‘Ato’ Tolentino at sa kilalang player agent na si Danny Espiritu, at tournament director Albert Andaya (wala sa larawan)
Nasungkit ng Parola Maritime ang ikatlong puwesto.