Pagulayan bigo kay Appleton sa US Open 9-Ball
MANILA, Philippines - Tinakasan ng husay si Alex Pagulayan sa dalawang mahahalagang laro ukol sa hangarin niyang mapagharian ang 2011 US Open 9-ball Championship na nagtapos kahapon sa Chesapeake Convention Center, Chesapeake, Virginia, USA.
Nagsimulang bumagsak ang laro ng tinaguriang ‘The Lion’ sa tagisan nila laban sa nagdedepensang kampeon na si Darren Appleton para sa hot seat.
Lumamang pa si Pagulayan sa 6-4 pero nakuha ni Appleton ang kanyang laro kasabay ng pagbagsak ng Pinoy para matalo pa sa 6-11.
Nagkaroon pa ng pagkakataon si Pagulayan na makabawi at labanan si Appleton sa Finals kung manalo kay Shawn Putnam sa laro para pangunahan ang one loss bracket.
Pero wala pa rin ang suwerteng hanap ni Pagulayan dahil napako uli siya sa walong panalo tungo sa 11-8 kabiguan.
Bunga nito ay nalagay lamang sa ikatlong puwesto si Pagulayan .
Nangibabaw naman si Appleton kay Putnam, 13-6, para kunin ang ikalawang sunod na titulo.
- Latest
- Trending