Si Pagulayan na lang ang nalalabing Pinoy
MANILA, Philippines - Dalawang panalo na lamang at maisasakatuparan ni Alex Pagulayan ang layuning mapagharian ang 2011 US Open 9-Ball Championship na pinaglalabanan sa Chesapeake Convention Center, Chesapeake, Virginia, USA.
Makikipagsukatan si Pagulayan sa nagdedepensang si Darren Appleton ng England para sa puwesto sa Finals mula sa winner’s bracket.
Umabante sa semifinals sa winner’s group si Pagulayan nang talunin si Larry Nevel ng USA sa 11-7 iskor.
Si Appleton ay nangibabaw naman kay Shawn Putnam ng USA sa 11-7 ding iskor para tumibay din ang paghahabol sa matagumpay na pagdepensa sa titulong pinanalunan noong nakaraang taon.
Taong 2005 nang hinirang na kampeon si Pagulayan sa prestihiyosong torneo sa 9-ball at siya na rin lamang ang bumabalikat sa laban ng mga Filipino cue artist matapos masibak na sina Jundel Mazon, Lee Van Corteza, Antonio Lining at Warren Kiamco sa loser’s bracket.
Nagpahinga si Mazon na nanalo muna kay Earl Strickland, 11-2 ay namaalam sa kamay ni Oscar Dominguez, 3-11, habang si Corteza ay yumukod kay Dennis Hatch sa dikitang 10-11 iskor.
- Latest
- Trending