48 kolehiyo, unibersidad maglalaban-laban sa UniGames
MANILA, Philippines - Umabot na sa 2,200 ang bilang ng atleta, opisyal at bisita ang nasa Roxas City, Capiz para sa gaganaping 16th Philippine University Games.
Naniniwala pa ang mga organizers na lalaki pa ang bilang na ito lalo nga’t hindi pa kumpleto ang kinatawan ng 48 kolehiyo at unibersidad na magpapakitang gilas sa 13 sports disciplines na paglalabanan mula sa Linggo.
“Ito na ang ikalawang pinakamalaking bilang ng mga kasali matapos ang 56 schools noong 2009 sa Bacolod City. Patunay ito na maraming paaralan ang nagnanais na makasali sa mga organized national tournaments upang makilatis ang kanilang sports program at maipakita ang galing ng kanilang mga manlalaro,” wika ni Roger Banzuela, ang pangulo ng UniGames sa pulong pambalitaan kahapon sa Colegio dela Purisima Concepcion na siyang host school.
Nabawasan ang naunang 14 sports nang tanggalin na ang bilyar dahil sa kawalan ng partisipasyon.
Ang mga larong paglalabanan ay athletics, basketball, swimming, chess, badminton, football, lawn tennis, sepak takraw, table tennis, softball, taekwondo, volleyball at beach volleyball. Sa larong volleyball umani ng pinakamalaking bilang ng partisipasyon na 42 koponan sa kalalakihan at kababaihan habang 27 naman ang kasali sa basketball.
Ang laro sa basketball, volleyball at football ang magpapasimula sa aksyon sa edisyong ito sa Linggo ng umaga habang sa ganap na alas-5 ng hapon ang opening ceremony.
Si Capiz 1st District Congressman Antonio del Rosario ang siyang makakasama ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman Ricardo Garcia para maging panauhing pandangal sa pagbubukas ng liga.
- Latest
- Trending