Barako sinuwag ang Shopinas.com

MANILA, Philippines - Parang hindi na mapi­pigilan ang pag-arangkada ng Energy.

Ito ay matapos kunin ng Barako Bull ang kanilang pangatlong sunod na pana­lo mula sa 96-78 paggupo sa sister team na Shopinas.com para makasalo sa ikalawang puwesto ang Rain or Shine sa elimination round ng 2011-2012 PBA Philippine Cup kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pa­say City.

Ibinilang ng Energy ang Clickers sa kanilang mga tinalo matapos ang Ginebra Gin Kings, 88-75, noong Oktubre 14 at nagdedepensang Talk ‘N Text Tropang Texters, 100-86, noong Miyerkules.

Katabla ngayon ng Ba­rako Bull ang Rain or Shine sa ikalawang posisyon mula sa magkatulad nilang 3-1 baraha sa ilalim ng Petron Blaze (3-0) kasunod ang Talk ‘N Text (2-1), Po­werade (2-1), Meralco (2-2), Ginebra (1-2), B-Meg (1-2), Alaska (0-3) at Shopinas.com (0-4).

Kasalukuyan pang nag­lalaro ang Tropang Texters at Llamados habang isinusulat ang balitang ito.

Mula sa 29-21 lamang sa first period, pinalaki ng Energy ang kanilang bentahe sa 50-33 laban sa Clickers buhat sa isang jumper ni Leo Najorda sa huling 1:02 ng second quarter kung saan naman napatalsik sa laro sina Dorian Peña at Homer Se.

Isinalya ng 6-foot-7 na si Peña ang 6’6 na si Se nang sugurin nito sa bench ng Barako Bull si coach Junel Baculi.

“I was talking to the refe­ree to look at Se about what he’s doing, tapos bigla na lang siyang nag-react ng ganoon,” kuwento ni Baculi sa ginawang pag-atake sa kanya ni Se.

Sa third period, ipinoste ng Energy ang isang 30-point lead, 69-39, at hindi na nilingon pa ang Clickers.

Barako Bull 96 - Salvacion 14, Miller 13, Najorda 12, Arboleda 12, Allado 11, Maliksi 9, Artadi 7, Avenido 6, Pennisi 4, Ababou 3, Sorongon 2, Salvador 2, Peña 1.

Shopinas.com 78 - Ritua­lo 15, Hubalde 14, Jazul 10, Menor 10, Espiritu 9, Mirza 8, Canta 4, Duncil 4, Sena 3, Canlas 1, Ilad 0, Hermida 0, Se 0.

Quarterscores: 16-18, 50-33, 74-48, 96-78.

Show comments