MANILA, Philippines - Sinasandalan ng walang talong Argentinian boxer Omar Narvaez ang malawak niyang karanasan bilang karagdagang arsenal sa pagharap laban kay WBC/WBO bantamweight champion Nonito Donaire Jr. sa Sabado (Linggo sa Pilipinas) sa WaMu Theater sa Madison Square Garden, New York.
Nagkita sina Narvaez at Donaire kahapon sa huling press conference para sa kanilang laban at gaya ng Filipino Flush, ay kumbinsido ang challenger sa kanyang tsansa na manalo.
“I fought in a lot of other countries. France, Italy and Spain. As an amateur, I fought all over the world. I had 103 fights as an amateur and I went to the Olympics. This is nothing,” pahayag ni Narvaez sa pamamagitan ng interpreter.
Kinilala ng WBO flyweight at super flyweight champion ang husay ni Donaire sa paglaban at hinangaan ito sa mga nakuhang knockout wins lalo na kay Mexican Fernando Montiel na siyang inagawan ng dalawang titulo noong Pebrero.
Pero napag-aralan na niya ang lakas at mga sandatang gamit ni Donaire kaya wala siyang takot na haharapin ito.
“He’s a very good boxer. But I’ve prepared to avoid the left hook. I think that I’m a much better boxer than Darchinyan and Montiel. He (Nonito) has never seen anyone with my movement and my speed and my intelligence,” dagdag pa ng 36-anyos na si Narvaez.
Wala naman siyang balak na pilitin na tapusin ng maaga ang laban basta ang mahalaga kay Narvaez ay siya ang mangibabaw sa Sabado.
“I can win a decision. I’m not worried about that (knockout win). I’m only looking about going into the ring and showing my skills and showing that I’m better. I’m just thinking about winning and nothing else,” pahabol pa ng boksingerong may 35 panalo at 2 tabla bukod pa sa 19 KO karta.
Ang nasabing laban na handog ng Top Rank ay ihahatid naman ng live sa Linggo ng ABS-CBN mula alas-10:15 ng umaga. Sa mga hindi makakapanood ay may replay naman sa Studio 23 sa parehong araw sa ganap na alas-7 ng gabi.