MANILA, Philippines - Makapaglalaro ang Thailand men’s at women’s basketball teams sa 26th Southeast Asian Games sa Indonesia mula Nobyembre 11 hanggang 22.
Makakasali ang Thai teams matapos alisin ng FIBA-Asia ang suspension na naunang ipinataw sa nasabing bansa bunga ng pagkakaroon ng problema sa liderato sa kanilang national basketball association.
Ngunit naisaayos na ang problemang ito nang maghalal ng bagong opisyales ang Thailand Basketball Association na pangungunahan ngayon ni Surasak Chinawongwatana.
Nasa special congress na ginanap noong Sabado sina FIBA secretary-general Patrick Baumann at FIBA Asia sec-gen Dato Yeoh Choo Hock at Thai International Olympic Committee member Dr. Nat Indrapana na ginawa sa Bangkok, Thailand.
Umabot sa 97 basketball clubs sa Thailand ang dumalo at dito ay nagkasundo na magsagawa ng eleksyon na nagluklok kay Surasak.
Ang pangyayari ay tulad sa nangyari sa Pilipinas dahil nasuspindi rin ng dalawang taon ang Pilipinas ng FIBA dahil may dalawang grupo ng basketball ang nagnanais na maging National Sports Association.
Naayos lamang ito nang nailuklok si Manny V. Pangilinan bilang pangulo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at kinilala ng Philippine Olympic Committee at kinalaunan ay ng FIBA Asia at FIBA World.
Dahil sa pagpasok ng Thailand, tiyak na mapapalaban ang Pambansang koponan na hinahawakan nina men’s coach Norman Black at women’s coach Haydee Ong.
Mas mapapalaban ang women’s team dahil kilala ang Thailand sa husay lalo na sa women’s basketball.