MANILA, Philippines - Walang magiging problema kung pag-abot sa 118 pounds ang pag-uusapan kay Nonito Donaire Jr. na itataya ang hawak na WBC/WBO bantamweight title sa Linggo (Manila time), laban sa wala pang talong si Omar Narvaez ng Argentina sa WaMu Theather sa Madison Square Garden, New York City.
Nagkaroon ng mga agam-agam hinggil sa bagay na ito matapos ihayag ni Donaire na ito na ang kanyang kahuli-hulihang laban sa nasabing weight division dahil hirap na siyang abutin ang tamang timbang dahil sa paglaki ng kanyang mga muscles.
Ayon kay trainer Robert Garcia, pasok pa si Donaire sa 118 pounds dahil sa maganda ang kondisyon nito dala ng mga ginagawang pagsasanay.
“The last four or five pounds are hardest to lose. But Nonito himself is surprised at the way he has handled his weight,” wika ni Garcia.
Unang pagdepensa ito ni Donaire sa titulong inagaw kay Fernando Montiel ng Mexico noong Pebrero gamit ang nakakagulantang second round knockout na panalo.
Mas malakas si Donaire sa ngayon at kahit may itinatagong galing si Narvaez ay hindi kagulat-gulat kung matutulog ito sa laban.
“Nonito is ready to go for 12 rounds but if he sees the opening, he’ll take him out in one round,” pahabol pa ni Garcia.
Si Donaire mismo ay kumbinsidong kaya niyang iskoran ng KO panalo si Narvaez ngunit hindi niya ito mamadaliin para hindi siya madisgrasya sa laban.
“I’ve been planning my steps on how to take him out. But with my power it can end any moment,” wika ni Donaire.
Matapos ang labang ito ay aakyat na si Donaire sa mas mataas na 122 pound division. (Angeline Tan)