MANILA, Philippines - Umusad pa sa anim ang bilang ng mga Filipino pool players na naglalaro pa sa winner’s bracket sa 2011 US Open 9-ball Championship sa Chesapeake Convention Center, Chesapeake, Virginia, USA.
Si Antonio Lining ay nakaabante na rin sa third round nang malusutan ang hamon ng mga US pool players para samahan sina 2005 champion Alex Pagulayan, Warran Kiamco, Jundel Mazon, Lee Van Corteza at Antonio Gabica.
Unang tinalo ni Lining si John Troy sa 11-1 massacre bago isinunod si David Grossman sa 11-4 panalo.
Sunod niyang kakaharapin si Basher Hussain Abdulmajeed ng Qatar na kinalos sina Zion Zvi (11-10) at Richard Andrews (11-3) ng US.
Palaban pa rin si Jose “Amang” Parica sa loser’s bracket nang manalo sa unang dalawang laro nito.
Nalaglag sa loser’s group nang matalo kay Pahdahsong Shognosh, 9-11, tinalo ni Parica si M. Ahmed Al-Binali ng Qatar, 11-4, bago isinunod si Bob Madara ng USA, 11-3, upang makarating na sa third round ng one-loss side.
Magpapatuloy ngayon ang laban sa third round sa winner’s side at kalaro ni Pagulayan si Grover Foster ng US; masusukat si Kiamco kay Dennis Hatch ng US; si Mazon ay mapapalaban kay Li Wen-lo ng China; si Corteza ay babangga kay Michael Banks Jr. ng US at si Gabica ay haharapin si Jayson Shaw ng Scotland.
Unang manlalaro ng bansa na napatalsik ay si Israel Rota nang lasapin ang ikalawang kabiguan sa loser’s group sa kamay ni Elias Patrikios ng US, 11-7.
Umabot sa 18 bansa ang nagpadala ng kanilang kinatawan sa itinuturing bilang pinakaprestihiyosong torneo sa 9-ball at ang hihiranging kampeon ay magbibitbit ng $30,000 unang gantimpala.