MANILA, Philippines - Tatangkain nina Antonino Gadi at Bianca Carlos na mawalis ang kani-kanilang event sa paghataw ng fourth leg ng VP Binay Grand Prix Badminton Open Championships-PBaRS sa Oktubre 23 sa Powersmash sa Makati.
Dinomina nina Gadi at Carlos ang unang tatlong legs ng national ranking circuit sa Manila, Bacolod at Davao.
Pinagharian ni Gadi ang centerpiece men’s Open singles laban kay Patrick Natividad sa first leg at dinalawahan si Paul Vivas sa second at third legs.
Nangunguna naman si Carlos sa girls Under-19 category nang igupo sina Nikki Servando, Ana Barredo at Janelle de Vera sa first, second at third leg, ayon sa pagkakasunod, sa torneong inihahandog ng MVP Sports Foundation at Robinsons Land.
Sa paglahok ni Malvinne Alcala, inaasahang mahihirapan ang 16-anyos na shuttler mula sa St. Paul College sa Pasig na makumpleto ang kanyang ‘sweep’.
Makakatapat rin ni Alcala sa ladies Open singles sina Carlos at third leg champion Gelita Castilo.
Si Alcala, ang reigning Singapore at Australian Juniors champion, ay hindi naglaro sa first leg ngunit inangkin naman ang second stage at iniwanan ang third leg para maglaro sa ibang bansa bilang miyembro ng Asian Development Team sa ilalim ng Badminton Asia Confederation.
Sa boys U-19 singles, asam ni Joper Escueta, nagkampeon sa unang dalawang legs, na makabawi sa kanyang kabiguan sa third leg sa Davao.