Tropa binalikat ni Carey sa 2 dikit na panalo, PBAPC PoW
MANILA, Philippines - Walang duda na si Harvey Carey ang pinakamahusay na manlalaro na nagpakitang-gilas sa PBA Philippine Cup mula Oktubre 10 hanggang 16.
Naglalaro sa Talk N’ Text, ang 6’4 forward ang siyang pinaghugutan ng lakas ng koponan dahil hindi pa rin nila nagagamit ang serbisyo nina Kelly Williams, Jimmy Alapag at Ranidel De Ocampo na binigyan ng pahinga matapos mapabilang sa Smart Gilas team na pumang-apat sa FIBA Asia Men’s Championship kamakailan.
Si Carey ay gumawa ng 28 puntos at humablot ng 14 rebounds para tulungan ang Tropang Texters’ na kunin ang 107-98 panalo sa Rain Or Shine nitong Biyernes.
Kapos lamang ng dalawang puntos ang marka na ito ni Carey para mapantayan ang kanyang career high na ginawa limang taon na ang nakalipas.
“Well-deserved,” wika ni TNT coach Chot Reyes matapos malaman na si Carey ang hinirang bilang Accel-PBA Press Corps Player of the Week.
“In the absence of our three national players, Harvey has assumed the leadership role of the team not only spiritually but with his monster game as well,” dagdag pa ni Reyes.
Gumawa rin ng tres si Carey sa laban na siyang nagbigay ng kalamangan sa kanyang koponan. Ang naibuslong ito ng power forward ay tumapos sa 29 sablay na nagsimula nang pumasok siya sa PBA noong 2003.
Ang panalo ay ikalawang sunod ng Tropang Texters’ at si Carey ay naghahatid ng 19.5 puntos at 12 rebounds upang hindi masira ang diskarte ng koponan kahit wala pa ang kanilang tatlong mahuhusay na manlalaro.
- Latest
- Trending