MANILA, Philippines - Napagtagumpayan ng San Beda na maipasok ang sarili sa Finals nang daigin ang Jose Rizal University, 83-74, sa pagbubukas ng 87th NCAA men’s basketball Final Four kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Pero maghihintay pa ng kalaban ang top seed na Lions dahil nakahirit ng playoff para sa ikalawang puwesto ang Letran sa se-cond seed San Sebastian, 70-62, sa ikalawang laro.
Pinaglaruan ni Mark Cruz ang mas malalaking kalaban nang maglagak ito ng walo sa kabuuang 12 sa laro sa huling yugto na kung saan na-outscored ng Knights ang Stags, 28-18, para manalo ng malayo kahit nagtapos ang ikatlong yugto sa 41-all iskor.
“First time lang namin ginamit ang ganitong opensa pero nakatatlong sunod na conversion kami kaya malamang ay mas pagtutuunan namin ito sa practices,” wika ni Knights coach Louie Alas.
Ito ang ikalawang sunod na panalo sa tatlong pagkikita ng Knights sa Stags at pinatunayan nila na hindi tsamba ang 82-81 overtime panalo na kinuha ng koponan sa second round na tumapos sa 15-sunod na panalo ng katunggali.
Ikatlong sunod na pagkatalo at ikaapat sa huling limang laro ang nalasap ng Stags na muling kinakitaan ng mahinang produksyon sa kanilang inaasahang manlalaro.
Tumapos man si Calvin Abueva ng 19 puntos, 13 sa huling yugto, ay may 2 of 10 shooting lamang ito habang si Ronald Pascual ay nalimitahan lamang sa 8 puntos mula sa 3 of 18 shooting.
Sinandalan naman ng Red Lions ang matikas na depensa ni David Marcelo bukod sa limang pinagsanib na free throws nina Rome Dela Rosa at Jake Pascual upang maisantabi ang pagkawala ng 17 puntos na kalamangan, 64-47, sa ikatlong yugto.
May pitong blocks si Marcelo, tatlo rito ay sa huling bahagi ng ikaapat na yugto, upang isama sa kanyang 16 puntos at 10 rebounds habang sina Dela Rosa at Pascual ay mayroong 17 at 10 puntos.
May 11 rebounds pa si Pascual habang si Kyle Pascual ay naghatid pa ng 14 puntos at 10 rebounds upang pawiin ng Lions ang mahinang produksyon ng pambatong scorer Garvo Lanete na mayroong 8 puntos sa 3 of 13 shooting.
“Maganda ang ipinakita ng mga players ko at sa tingin ko ay tama ang kanilang peaking,” pahayag ni Lions coach Frankie Lim na tumungtong sa kanyang ikalimang sunod na Finals at pang-anim na sunod mula 2006 para sa kanyang koponan.
May 21 puntos si Nate Matute kasama ang apat na tres, para pangunahan ang limang Heavy Bombers na umiskor ng hindi bababa sa 10 puntos.
Ngunit di sapat ito para mamaalam na ang tropang hawak ni coach Vergel Meneses.