Pinoy martial arts artists masusukat sa Middle East
MANILA, Philippines - Masusukat ang husay ng mga Filipino martial arts artist sa nakatakdang pagsabak sa isang prestihiyosong international martial arts competition sa Middle East.
Sasabak ang World Union of TOA Associations-Philippines (WUTA-Philippines), kilala rin bilang International Amateur Muay Thai Federation--Philippines (IAMTF- Phil) at Kickboxing Association of the Philippines (KAP) sa World WUTA Championships na gaganapin sa Shiraz, Iran sa Nobyembre 6-12, 2011.
Pamumunuan ang delegasyon ni Master Roland R. Catoy bilang puno ng delegasyon kasama sina head coach Eugene Grafil at ang pambato ng bansa na si Adamson Torbiso ng Cebu na sasabak sa 58kgs, mayana (individual combat) event.
Sasailalim ang dalawang opisyal sa coaching at officiating seminars sa torneong hinati sa tatlong kategorya -- mayana (individual combat) para sa 18-anyos pataas na babae at lalaki; do choob (individual short stick combat); at gilma (wrestling) event.
Inorganisa ang kampeonato ng WUTA, sa pagtataguyod ng Iran Kung Fu Federation sa ilalim ng pangangasiwa ng Iran Ministry of Sports and Youth , Olympic Committee of I.R. Iran, Governor General of Fars Province at General Dept and Youth of Fars Province.
Ayon kay WUTA President Ali Montazeri Najaf Fabadi, ang layunin ng world championships ay upang mai-promote at mapalaganap ang national martial art ng Iran na TOA at mapabilang ito sa Olympic sports sa hinaharap.
Para sa mga interesado, maaaring makipag-ugnayan kay Roly Catoy sa cellphone no. 09086680311.
- Latest
- Trending