Bolts isinalba ni Taulava

MANILA, Philippines - Nang kinailangan ng Bolts ng mahalagang puntos, naroon si Asi Taulava.

Isang fadeaway shot ng 6-foot-9 na si Taulava laban kay 6’4 James Sena sa hu­ling 25.4 segundo ang nakatulong sa 79-72 panalo ng Meralco laban sa Shopinas.com sa elimination round ng 2011-2012 PBA Philippine Cup kahapon sa Smart-Araneta Coliseum.

 May 1-1 rekord ngayon ang Bolts, nagpalasap sa Clickers ng 0-2 baraha nito.

 Kinuha ng Meralco, hindi nahugot ang serbisyo nina injured Sol Mercado at Mac Cardona, ang isang 12-point lead, 69-57, sa 5:47 ng fourth quarter mula sa three-point shot ni Mark Yee.

Sa likod nina Sena, Paolo Hubalde at Jojo Duncil, nakalapit ang Shopinas.com sa 72-75 agwat sa nalalabing 1:06 sa labanan.

 Nagkaroon ng tsansa ang Clickers na makadikit kundi lamang sa naagaw na pasa ni Homer Se ma­tapos ang kanyang defensive rebound.

“It was a great challenge for the players who were inserted to the team primarily to play a role,” sabi ni coach Ryan Gregorio kina Mark Macapagal, Chico Lanete at Mark Borboran. “But because of the turn of events, Sol Mercado was not ready, Mac Cardona was not ready they were asked to play as superstars.”

 Isang fadeaway jumper ng 12-year veteran na si Taulava laban kay Sena ang muling naglayo sa Bolts sa 77-72 sa natitirang 25.4 segundo kasunod ang turnover ni Hubalde na nagresulta sa dalawang freethrows ni Macapagal sa huling 14.3 tikada para sa final score.

Nagtala si Gabby Espinas ng 16 points, 9 rebounds, 3 assists at 2 shotblocks para banderahan ang Meralco kasunod ang 14 markers ni Macapagal, 11 ni Mark Isip at 10 ni Yee.

Umiskor naman si Hubalde ng game-high 21 points para pangunahan ang Shopinas.com sa itaas ng 9 ni Ogie Menor at tig-7 nina Sena, Duncil at Ren-Ren Ritualo, Jr.

 Meralco 79 - Espinas 16, Macapagal 14, Isip 11, Yee 10, Lanete 8, Taulava 7, Borboran 6, Timberlake 5, Omolon 2, Ballesteros 0.

Shopinas.com 72 - Hubalde 21, Menor 9, Sena 7, Duncil 7, Ritualo 7, Mirza 6, Se 6, Hermida 4, Sison 2, Jazul 2, Canlas 1, Espiritu 0.

Quarterscores: 9-11, 32-31, 58-52, 79-72.

Show comments