Stags, Lions mag-aagawan sa no. 1 spot
MANILA, Philippines - Angkinin ang number one puwesto ang nakataya sa San Sebastian sa pagharap sa nagdedepensang San Beda sa pagtatapos ng 87th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
May 16-1 karta ang Stags na haharap sa Lions sa larong itinakda dakong alas-4 at kung maulit ng koponan ang 70-68 tagumpay sa first round ay seselyuhan ang unang puwesto sa standings.
Pero hihirangin naman bilang numero uno ang Lions (15-2) kung manalo sila sa Stags ng hindi bababa sa tatlong puntos.
Unang sasalang ang San Beda Red Cubs laban sa San Sebastian Staglets sa ganap na alas-2 ng hapon at inaasinta ng Cubs ang 18-0 marka upang diretso nang makausad sa Finals sa juniors division.
Walang duda na ang tropa ni coach Topex Robinson ang nagtataglay ng tatlong pinakamahuhusay na manlalaro sa liga na sina Calvin Abueva, Ian Sangalang at Ronald Pascual.
Ngunit ang bataan naman ni coach Frankie Lim ay nagpapakita ng pagtutulungan na siyang susi upang manalo ang Lions sa kanilang huling limang laro kasama nga ang 84-68 pagdurog sa Letran at makopo ang ikalawang twice to beat advantage sa Final Four.
“We have used our last few games as our buildup for this crucial game. It’s going to be tough but we want to stay number one. We have been number one in the past four years and we want to maintain that position,” wika ni Lim.
Sina Garvo Lanete, Kyle Pascual, Jake Pascual at David Marcelo ang mga aasahan ng Lions pero naririyan din sina Rome Dela Rosa, Baser Amer at Anthony Semerad na puwedeng pumutok kung kinakailangan.
Humugot ng puwersa sa bench ang isa sa nais gawin ni Robinson lalo nga’t ito ang kanyang naging problema nang lasapin ang unang kabiguan sa kamay ng Letran, 81-82, sa overtime.
Naghihintay naman sa ibaba ang pumangatlong Knights (14-4) at nasa ikaapat na Jose Rizal University (9-9) para madetermina kung sino ang kanilang dapat na paghandaan sa Final Four.
- Latest
- Trending