MANILA, Philippines - Inangkin ng San Beda College ang ikalawa at huling ‘twice to beat’ advantage sa 87th NCAA men’s basketball sa pamamagitan ng 84-68 panalo sa Letran College kahapon sa The Arena sa San Juan City.
May 28 puntos si Garvo Lanete pero malaki ang ginawa ng bench sa pangunguna ni Anthony Semerad upang madomina ng Red Lions ang Knights at sungkitin ang ika-15 panalo sa 17 laro.
“It’s all about winning big games. I want to congratulate my players for playing very well today,” wika ni San Beda coach Frankie Lim.
Gumawa ng 40 puntos ang bench ng Red Lions sa pangunguna ng 16 ni Semerad at siya at si Lanete ay tumipak ng tig-tatlong tres na nagamit ng koponan upang unti-unting layuan ang Knights na nalaglag sa ikatlong puwesto sa 14-4 baraha.
“This is an important game for us and I’m just glad we were able to pull this emotional win. Now the pressure is off as far as twice-to-beat in concern and now we want to remain as the number one team in this league,” wika pa ni Lim.
Huling laro ng koponan sa Miyerkules ay laban sa San Sebastian at kung mangibabaw ang San Beda ay magkakatabla sila ng Stags sa 16-2 at mangangailangan ng playoff para sa No. 1 seeding.
Sa ikalawang yugto kumawala ang Red Lions upang ang 17-14 kalamangan ay palakihin sa 42-30.
Kampante nang nasa unahan ang San Beda sa 20 puntos, 69-49, nang magpakawala ng dalawang tres si Mark Cruz upang idikit ang Letran sa 61-71, may 4:51 sa orasan.
At ito na ang pinakamalapit na dikit ng Knights dahil isang tres at tatlong freethrows ang ginawa ni Semerad, habang ikatlong tres ang pinakawalan ni Lanete para ilayo uli ang Red Lions sa 82-64.
May 14 puntos si Kevin Alas mula sa mahinang 5-of-15 shooting upang pangunahan ang Letran.
“Hirap talagang kalaban ang San Beda at hindi yata ako mananalo sa kanila sa taong ito,” wika ni Knights’ mentor Louie Alas.
Apat na manlalaro naman ang gumawa ng mahigit na 10 puntos para sa St. Benilde upang matusok ang ikaanim na panalo sa 17 laro gamit ang 82-73 tagumpay sa Emilio Aguinaldo College sa unang laro.