BACOLOD, Philippines - Dumating na rito si world light flyweight champion Ramon Garcia at kumpiyansang patuloy na isusuot ang kanyang World Boxing Organization (WBO) title laban kay Donnie `Ahas’ Nietes.
Nagmula ang grupo ng 29-anyos na si Garcia sa Cebu City kung san siya nagtayo ng training camp sa loob ng dalawang linggo bilang paghahanda kay Nietes.
Kasama ni Garcia si manager Edrulfo Castillo at kanyang kambal na si Raul `Rayito’ Garcia, isang dating WBO minimumweight title holder.
Magtatagpo sina Nietes at Garcia sa Sabado sa University of St. La Salle gymnasium.
“We’re ready,” ani Garcia sa una niyang title defense laban kay Nietes.
Ang WBO light flyweight crown ni Garcia ay nagmula sa kanyang fourth-round KO kay Jesus Geles noong Abril.
Tangan ni Garcia ang 16-2-0 win-loss-draw ring record kasama ang 9 KOs.
Isang public workout ang gagawin ni Garcia ngayon sa SM City Bacolod Entertainment Center.
Dala ni Nietes ang 28-1-0 (16 KOs) slate at hangad ang kanyang ikalawang world boxing belt.
Binitawan ni Nietes ang kanyang dating suot na WBO minimumweight title na kanyang hinawakan sa loob ng tatlong taon.
Huling lumaban ang tubong Murcia, Negros Occidental noong Abril kung saan niya pinatulog sa first round si Armando Vazquez sa St. La Salle Coliseum.