VP Binay GP badminton mas maaksyon
MANILA, Philippines - Magagandang mga laro at matitinding aksyon ang matutunghayan sa VP Binay Grand Prix Badminton Open Championships-PBaRS 4th leg na nakatakda sa Oktubre 23-29 sa PowerSmash sa Makati.
Sinabi ng nag-oorganisang Philippine Badminton Ranking System na bukas pa rin ang pagpapatala at ang event ay bukas sa lahat kasama na ang mga beginners na gustong makaranas ng big-time competitions laban sa mga bigating players.
Ang deadline ay nakatakda sa Biyernes sa PBaRS office (20. E. Maclang St. San Juan). Ang elims ay lalaruin sa PowerSmash, habang ang quarterfinals, semifinals at finals ay gagawin sa Philsports Arena o sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Ang event, inihahandog ng MVP Sports Foundation at Robinsons Land Corp., ang tatapos sa four-leg nationwide circuit na itinakda nina Vice President at Philippine Badminton Association president Jejomar Binay, Rep. Albee Benitez at businessman-sportsman Manny Pangilinan.
Ang mga events ay ang Open, Under-19 at Under-15 divisions sa men’s at ladies singles at men’s at ladies doubles at mixed doubles categories na may nakatayang P1 milyon premyo.
- Latest
- Trending