BAKU, Ajerbaijan--Sinandalan ni Guangzhou Asian Games flyweight gold medalist Rey Saludar ang kanyang malawak na karanasan upang talunin ang mas batang katunggali at makalapit ng isang hakbang patungong 2012 London Olympics.
Nasilipan na mahina ang depensa ni 19-anyos Safoviddin Yusufi ng Tajikistan, umiskor ng mga puntos si Saludar gamit ang kanyang kaliwang straight at hook tungo sa 28-12 panalo sa second round ng 52-kg division sa 2011 AIBA World Championships nitong Linggo dito.
Hindi nakaporma si Yusufi na isang gold medalist sa 2010 Combat Games dahil hindi maresolbahan ang kaliwa ng Filipino boxer upang makaabante na si Saludar sa ikatlong round.
Kakaharapin ng 23-anyos na kaliweteng boksingero na tubong Polomolok, South Cotabato ang fourth seed at two--time Olympian at 2007 World Championships gold medalist Rau’shee Warren ng US.
Pinagpahinga ni Warren si Georgiy Chigayev ng Ukraine sa 22-15 iskor.
Ang mananalo sa pagi-tan nina Saludar at Warren ay aabante sa quarterfinals at makakakuha na ng tiket sa London Games.
Sisikapin naman nina light flyweight Mark Anthony Barriga at bantamweight Joan Tipon na madagdagan pa ang hanay ng Filipino boxers sa second round ng sumampa uli ang mga ito sa ring nitong Lunes.
Katapat ng 18-anyos na si Barriga ang 23-anyos at eight seed na si Patrick Barnes.
Mas beterano si Barnes dahil nanalo na ito ng bronze medal sa 2008 Beijing Olympics pero hindi natitinag ang loob ni Barriga na nais ding makatungtong ng London sa kanyang murang edad.
Ang Doha Asian Games gold medalist na si Tipon ay makikipagsubukan naman sa 22-anyos na si Zhang Jiawei ng China.
Nanalo sa first round sa dikitang 13-12 laban kay Alberto Melian ng Argentina, tiyak na mapapalaban uli ang 29 anyos na si Tipon dahil ang kalaban ay isang silver medalist ng 2010 Asian Games at Combat Games.
Anim na boksingero ang inilaban ng Amateur Boxing Association of the Philippines (ABAP) pero nasibak na sina Delfin Boholst, Charly Suarez at Rolando Tacuyan nang mabigo sa kanilang unang laban.