Magandang recruitment program susi ng Ateneo
MANILA, Philippines - Kung may mga bagay na siyang pinaniniwalaan ni Ateneo coach Norman Black kung bakit muling nagtagumpay ang Eagles sa 74th UAAP season, ito ay ang magandang recruitment program at ang determinasyon ng mga nakukuhang manlalaro na manalo.
Taong 2008 nang nagsimula ang Eagles sa agresibong pagkuha ng manlalaro sa pangunguna ni Black at ipinagmamalaki ng beteranong mentor ang katotohanan na ang mga pinili noon ay siya pa rin niyang kasama ngayon sa tagumpay na tinatamasa sa UAAP.
“In 2008, we had a lot of players like Nico Salva, Ryan Buenafe, Justin Chua and Frank Golla. We got a lot of big players and we manage to supplement it with new players that led us to this run. The bottom line is we did a good job recruiting,” wika ni Black.
Katambal ng magandang recruitment ay ang pagnanais ng mga kinuhang manlalaro na mag-aral at maniwala sa prinsipyo ni Black na todo-bigay kada laro para makuha ang asam na tagumpay.
“The most important thing is these guys want to win basketball games. They want to be known as the best and play in a college team with the best basketball program in the country. We talked about it all the time and at this level, you have to strive at something and for us, we want to be the best college team in the country,” dagdag pa ni Black.
Hindi naman nabigo ang Ateneo dahil isang talo lamang ang kanilang dinanas sa 14-game elimination sa kamay ng Adamson, 46-62, sa pangalawa sa huling asignatura ng Eagles sa eliminasyon.
“It’s probably a blessing in disguise that we lost because it gave us new hunger, new fire,” paliwanag ni Black.
Tunay ang nangyari dahil tinalo nila ang UST, 69-66, sa Final Four at laban sa FEU ay bumalik ang tikas ng laro ng kanyang bataan tungo sa 82-64 at 82-69 panalo para sa 2-0 sweep.
Ito ang ikalawang sunod na sweep ng Eagles sa Tamaraws pero aminado si Black na mas mahirap ang Finals noong nakaraang taon dahil hindi kasing-talento ang manlalaro niya noon kumpara sa taong ito.
Si Greg Slaughter ang siyang binigyan pugay ni Black na susi sa serye dahil size ang kanilang naging bentahe dahilan upang mas naging madali ang pag-iskor nina Kiefer Ravena at Salva.
Matapos ang apat ay marami na ang umaasa sa panlimang sunod ngunit ayaw muna ni Black na tutukan ito dahil mas mahirap maabot ang bagay na ito.
- Latest
- Trending