Kasaysayan sa Ateneo

MANILA, Philippines - Muling kuminang ang laro ng Ateneo sa pagsisi­mula ng ikatlong yugto upang makumpleto ang 2-0 sweep sa FEU, 82-69, sa 74th UAAP men’s basketball Finals kahapon sa Smart-Araneta Coliseum.

Ibinagsak ni bench pla­yer Luis Gonzaga ang lahat ng anim na puntos sa nasabing yugto at nakipagtulungan sa mga starters na sina Kiefer Ravena at Nico Salva para kunin ang yugto 22-9, at lumayo ang Eagles sa 57--45 iskor.

Bago ito ay tila naagaw ng Tamaraws ang momentum nang makabangon ang mga ito mula sa 20-30 paghahabol at sa pagtatapos ng first half ay tangan pa nga ang 36-35 bentahe.

Huling tikim ng kalama­ngan ng FEU ay sa 38-37 sa buslo ni RR Garcia bago minalas na ang koponan at tinapos ang yugto taglay ang 3 of 13 shooting.

May pito sa siyam na kabuuan na puntos si Emman Monfort sa huling yugto para tulungan ang Eagles na hawakan ang pinakamala­king kalamangan na 19 puntos na unang nangyari sa 70-53 at nasundan pa sa 74-55.

“I have to give my pla-yers all the credit as all of them played very well in this game,” wika ni Ateneo coach Norman Black na naibigay din sa koponan ang ikaapat na sunod na titulo upang makasama na sa hanay ng UE, UST at La Salle na nakagawa na rin ng 4-peat sa liga.

Si Ravena ang namuno sa koponan sa kanyang 18 puntos habang ang iba pang starters na sina Salva at Greg Slaughter ay tumapos sa 15 at 11 puntos para bigyan ng 58-47 bentahe ang kanilang starting unit laban sa katapat sa FEU.

Pero maging bench ay nagdeliver at tinalo pa ng dalawang puntos ang bench ng Tamaraws, 24-22, at na­nguna sa Eagles si Juami Tiongson na gumawa ng 4 of 6 shooting tungo sa 11 puntos.

Outrebounded ng FEU ang Eagles, 46-34, kasama ang 22-5 sa offensive glass pero walong second chance points lamang ang kanilang ginawa dahil hirap sa depensa ng 7-footer na si Slaughter.

Ininda rin ng koponan ang masamang shooting na kung saan 0-of-14 sila sa 3-point line sa second half tungo sa kabuuang 24 of 76 sa field goals sa masamang 31.6 percent.

Nagbunga naman ang mahusay na inilaro ni Salva na sa game one ay hindi sumablay sa 8 attempts sa field goals at 8 freethrows. Naghatid siya ng 19.5 points average sa serye at dahil dito hinirang bilang Finals MVP at naibulsa ang P30,000 gantimpala.

Show comments