Hindi naman pala maglalaro si Kenneth Duremdes sa Powerade Tigers at wala na rin sa kanilang line-up si Dennis Espino.
Kasi nga, matapos ang huling game ng Tigers noong nakaraang season ay lumutang ang balitang maglalaro pa ang dalawang beteranong ito ng tig-isang game bago sila magretiro. Kumbaga’y parang pormalidad na lang at para din mabigyan sila ng parangal.
Pero tila hindi na matutuloy ang planong iyon.
Nang ilungsad ang 37th season ng PBA sa isang press conference noong Miyerkules, ang Powerade ay kinatawan ni Duremdes bilang alternate governor sa board. Tinanong nga siya kung lalaro pa siya pero aniya, “Wala ako sa kundisyon.”
So, magpapakundisyon pa ba naman si Duremdes ngayong governor na siya ng PBA? Parang hindi na niya iintindihin ang retirement. Or, puwede namang iretiro ng Powerade ang mga numero nina Duremdes at Espino kahit na hindi na sila maglaro.
Well, mukhang hindi naman mami-miss ng Powerade si Duremdes, e. Kasi ang sinasandigan nila ngayon bilang scorer ay si Gary David. At sa ngayon ay maraming makakatulong si David sa pagpuntos. Kayang-kaya iyan ng tatlo nilang rookies na sina JV Casio, Marcio Lassiter at James Martinez.
Of course, si Casio ay point guard peo puwede din siyang umiskor kung kailangan. Ilang beses na ba siyang pinuntahan ng Smart Gilas Pilipinas para sa puntos.
Si Lassiter ay scorer din pero lalong maaasahan sa depensa. Kasama niya si Casio sa Smart Gilas.
Si Martinez ay kinuha ng Barangay Ginebra sa second round ng nakaraang Draft pero hindi napapirma ng kontrata. Mabuti na lang at may puwesto pang bukas sa kampo ng Powerade at swak siya dito.
Marahil, ang mami-miss kahit na paano ng Powerade ay si Espino dahil sa rebounds niya. Iba na rin siyampre yung beteranong sentro.
Pero mukhang na-address naman ni coach Dolreich “Bo” Perasol ang problemang ito. Sa pagkawala ni Espino at ng kanyang frontcourt partner noong nakaraang season na si Rob Reyes ay kinuha ng Tigers ang mga beteranong sina Rommel Adducul at Alex Crisano. Additionally ay napunta din sa kanila si Doug Kramer na dating manlalaro ng Rain or Shine kung saan ipinalit nila si JR Quiñahan.
Ang siste’y parang “temporary stop gap measures’ lang sina Adducul at Crisano kasi hindi naman bata ang mga ito, e. Paretiro na rin sila.
Pahapyaw na nga lang ang playing time ni Adducul sa dati niyang koponang B-Meg Llamados. Misan nga’y hindi na siya naipapasok.
So, hindi natin alam kung kaya ni Adducul na maglaro ng matagal. Pero siyempre, oportunidad ito para kay Adducul na patunayang puwede pa siyang pakinabangan.
Si Crisano ay isang taong nawala sa PBA. Naglaro siya sa Philippine Patriots sa Asean Basketball League pero hindi naman masyadong nagamit. So, kahit paano’y questionable din ang conditioning nito. At kahit naman noong nasa peak pa ng kanyang career si Crisano ay hindi din ito dominante.
Kung sakali ay si Kramer ang pakikinabangan nang husto ng Tigers. Noong nakaraang season ay isa siya sa leading rebounders ng Rain or Shine. At siyempre, bata pa si Kramer kung kaya’t makakasabay pa ito sa talunan at bugbugan sa shaded area.
Sana nga sa pagdating ng tatlong ito ay natugunan na ang problema ng Tigers sa rebounding. Kung hindi, wala na naman silang mararating!