MANILA, Philippines - Sa ikalawang sunod na pagkakataon, idedepensa ni Ana ‘The Hurricane’ Julaton ang kanyang hawak na World Boxing Organization (WBO) female super bantamweight crown kontra kay Mexican challenger Jessica Villafranca ngayon sa Kanasin, Yucatán sa Mexico.
Matagumpay na naipagtanggol ng 31-anyos na si Julaton ang kanyang WBO title matapos igupo si American challenger Angel Gladney via unanimous decision noong Hunyo 24 sa Miami, Florida.
Bukod sa WBO female super bantamweight title, nakuha rin ni Julaton ang International Boxing Association female super bantamweight belt makaraang manaig kay Mexican Maria Elena Villalobos via split decision noong Hunyo 30, 2010 sa Ontario, Canada.
Tangan ng 31-anyos na si Julaton ang kanyang 9-2-1 win-loss-draw ring record kasama ang 1 KO, samantalang taglay naman ng 18-anyos na si Villafranca ang kanyang 12-3-0 (6 KOs) slate.