BAKU, Azerbaijan--Matapos magposte ng 3-0 kartada, natikman ng PLDT-ABAP National Boxing Team ang kanilang unang pagkatalo.
Ito ay matapos yumukod si Delfin Boholst kay Stephen Danyo ng the Netherlands, 11-16, sa 2011 World Boxing Championships.
Naging agresibo si Boholst sa first round sa hangaring makontrol ang naturang laban. Subalit naging mabisa naman ang pagiging counter-puncher ni Danyo.
Itinala ng Dutch fighter ang 5-3 bentahe sa opening round at pinalobo sa 10-6 ang kanyang kalamangan kontra kay Boholst sa second round.
Bagamat nagpaulan ng maraming suntok si Boholst, hindi naman nawala sa kanyang porma ang European Championship finalist sa pag-angkin sa kanyang tagumpay.
Nakatakda namang labanan ngayon ng 20-anyos na si Orlando Tacuyan si Mehdi Toloutibandpi ng Iran sa 64 Kg light welterweight division.
Isang six-man national team ang isinabak ng ABAP sa nasabing qualifier para sa 2012 London Olympics. Ang tatlong panalo ang magbibigay sa isang boxer ng tiket para makalaro sa Olympiad, ayon kay ABAP executive director Ed Picson.