Indonesia planong dagdagan ang cycling event sa 26th SEAG
MANILA, Philippines - Balak ng Indonesia Southeast Asian Games Organizing Committee (INASOC) na magdagdag ng events sa cycling para tugunan ang kahilingan ng international cycling federation na UCI.
Sumulat ang UCI sa INASOC na isunod ang mga events na lalaruin sa 26th SEAG sa Nobyembre sa mga events na nilalaro sa Olympics at ipinadaragdag sa host ang mga larong sprint, 4000m team pursuit at omnium races sa kalalakihan/ team sprint at omnium sa kababaihan at downhill sa mountain bike sa kababaihan.
Kung masasang-ayunan ng SEAG Federation Council ay aakyat sa 16 ang gintong paglalabanan at lalawig sa 551 ang gintong nakataya sa dalawang linggong kompetisyon na itinakda mula Nobyembre 11 hanggang 22 sa Palembang at Jakarta, Indonesia.
Tiniyak din ng host country na handa ang bansa sakali mang madagdagan ang events sa cycling dahil walang bagong kagamitan na kakailanganin sa pagpapatakbo ng mga ito.
Ang SEAG Federation Council ay nakatakdang magpulong at ang Pilipinas ay kakatawanin nina POC chairman Monico Puentevella, vice president Manny Lopez at treasurer at Deputy Chief of Mission Julian Camacho.
Kasabay nito ay nagdesisyon na rin ang INASOC na isama ang larong cricket bilang natatanging demonstration event para tumaas sa 43 ang sports na lalaruin sa nasabing kompetisyon.
Ang Pilipinas ay lalahok sa 39 sports at hindi makakapagpadala ng cricket dahil wala pang local association ang namamahala rito na binasbasan na ng POC.
Maliban sa cricket, hindi rin kasali ang Pilipinas sa vovinam, shorinjo kempo at roller sports.
- Latest
- Trending