MANILA, Philippines - Pinagtibay ng nagdedepensang San Beda ang pagkakakapit sa ikalawang puwesto ngunit nadiskaril naman ang plano ng Mapua na hawakan ang ikaapat na puwesto sa pagpapatuloy kahapon ng 87th NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan.
Nagtrabaho nang husto sina Garvo Lanete at Dave Marcelo sa second half upang tulungan ang Red Lions na iuwi ang 84-75 panalo sa St. Benilde na nakikitaan ng pagbabalik ni Carlo Lastimosa.
May 25 puntos si Lanete at siyam rito ay ginawa sa huling yugto habang si Marcelo ay nagdagdag ng 18 at ang Lions ay nagdomina sa second half tungo sa pagsungkit ng ika-13 panalo sa 15 laban.
Si Lastimosa na hindi nakasama ng koponan sa kanilang huling dalawang laro ay nagtapos taglay ang 15 puntos. Pero inilabas siya sa huling 2:47 sa orasan dala ng minor injury matapos makabanggaan si Baser Amer. Tinangka ng Blazers na ibalik siya sa labanan pero hindi na pinahintulutan ng liga dahil sa ruling na kailangang mamahinga ng tatlong minuto ang isang player na inilabas dahil sa injury.
Gumana naman ang opensa nina Andrian Celada, Mark Doligon at Gerald Lapuz upang mangibabaw sa Cardinals, 73-69.
May 21 puntos si Celada sa laro at 16 rito ay ginawa sa first half na kung saan ibinaon ng Chiefs ang Cardinals, 35-26.
Tinangka ng Mapua na bumangon pero hindi sila nagtagumpay dahil humalili sa pagpuntos sina Doligon at Lapuz na naglaro ng may benda ang ibabang bahagi ng kanang mata matapos maputukan nang di sinasadyang masiko ni Josan Nimes.
Ang kabiguang ito ng Cardinals ay nagbagsak sa koponan sa ikalimang puwesto sa 7-10 karta.
Ang Chiefs ay umangat sa 6-11 karta pero wala na ring laban sa Final Four.
SBC 84--Lanete 25, Marcelo 18, Amer 9, Dela Rosa 6, Sorela 5, Pascual K. 4, Pascual J. 4, Caram 4, Pontejos 3, Semerad 3, Lim 3.
CSB 75-- Lastimosa 15, Grey 14, Sinco 12, Taha 8, Pate 8, Tan 7, Dela Paz 5, Altamirano 4, Carlos .
Quarterscores: 16-19, 39-33, 60-50, 84-75.