Le Tour de Filipinas papadyak sa Abril 2012
MANILA, Philippines - Magpapatuloy ang Le Tour De Filipinas (LTDF) bilang pinakaprestihiyosong cycling event sa bansa matapos ilagay uli ng international body na Union Cycliste Internationale (UCI) ang karerang ito sa kanilang kalendaryo sa 2012.
Sa isinagawang World Congress sa Vancouver ay nagdesisyon ang pamunuan ng UCI na ilagay ang ikatlong edisyon ng LTDF mula Abril 14 hanggang 17.
Ang Le Tour De Filipinas ay isang Category 2.2 at isang men elite race.
Utak ng pakarerang ito ay si cycling patron Bert Lina habang ang Dynamic Outsource Solutions, Inc. (DOS-I) ang siyang organizers.
Dahil sa patuloy na basbas ng UCI, tiyak pa rin ang pagdalo ng mga bigating dayuhang siklista na magpapatingkad sa kompetisyon.
Ang unang edisyon ay dinomina ni David McCann ng Ireland at kumampanya sa ilalim ng Giant Asia team habang si Rahim Emami ng Iran ang nanalo sa ikalawang taon gamit ang tanyag na Azad University.
Bagamat malakas pa rin ang mga dayuhan, binibigyan naman ng magandang laban ang mga Filipino cyclists lalo nga’t unti-unti na nilang nagagamayan ang makaharap ang mga mahuhusay na dayuhang katunggali.
- Latest
- Trending