Barriga buwenamano ng Pinas
BAKU, Azerbaijan-- Umiskor si Mark Anthony Barriga ng unang panalo ng PLDT-ABAP National Team sa World Boxing Championships dito sa Hayder Aliyev Stadium.
Ito ay matapos niyang talunin si Stefan Caslarov ng Romania, 12-5, sa una niyang laban sa torneong tumatayong qualifying event para sa 2012 Olympic Games sa London.
Bagamat itinutulak ng Romanian, naging matiyaga naman ang 18-anyos na si Barriga sa pagsunod sa kanilang game plan.
“Float like a butterfly and sting like a bee,” wika ni Barriga habang papasakay ng van kasama ang iba pang miyembro ng national team sa paggaya sa linya ni boxing great Muhammad Ali.
Nakipagpalitan rin ng jokes si Barriga sa kanyang mga coaches at kakampi sa pagsasabing kinailangan niyang suntukin ng mas malakas ang kanyang kalaban, ‘masakit din pala siya sumuntok.’
Nakuha ng Panabo, Davao del Norte native ang 6-2 lamang sa first round at 9-3 abante sa second round laban kay Caslarov.
Makakalaban ni Barriga sa second round sa Oktubre 3 si 8th seed Patrick Barnes ng Ireland. At sakaling manaig, makakatapat niya si Chinese Olympic gold medalist Zou Shiming, tinalo si Juan Medina ng Dominican Republic, 17-9.
Nakatakda namang ha-rapin ni South Cotabato native Rey Saludar, kumuha ng gold medal sa 2010 Asian Games sa Guangzhou, China, ngayong araw si Canadian Tanjit Lally.
Bukas ay lalabanan ni Joan Tipon si Alberto Melian ng Argentina kasunod ang pakikipagtagpo ni Delfin Boholst kay Stephen Danyo ng the Netherlands sa Biyernes.
Makakatapat ni Rolando Tacuyan sa Setyembre 30 si Mehdi Toloutibandpi ng Iran at makakaharap ni Charly Suarez sa Oktubre 1 sa lightweight match si Ecuadorian Luis Porozo.
- Latest
- Trending