Barnachea lider na; Joven sa Stage Two
MANILA, Philippines - Sumabay ang 2002 Calabarzon at 2006 Padyak Pinoy Tour ng Pilipinas champion Santy Barnachea sa mga bigating siklista mula sa simula hanggang sa natapos ang karera para makuha ang liderato sa overall race sa Stage Two ng 2011 LBC Ronda Pilipinas.
Si Cris Joven ang kumuha ng lap na sinimulan sa Dumaguete at nagtapos sa Silay City, Negros Occidental at napahirapan ang mga siklista dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan.
Pero nakakapit si Barnachea sa mga nasa unahan para maagaw ang overall sa dating lider at first stage winner Ronald Gorantes.
May kabuuang siyam na oras, 37 minuto at 55 segundo si Barnachea na hindi naman binalak na hawakan ng matagal ang liderato upang hindi masunog sa 12 stage, 20 araw na karera.
Unang lap win naman ang nakuha ni Joven sapul nang sumali sa mga Tour sa bilis na 5:15:03.8 at naibulsa rin niya ang P50,000 premyo na kasama rito.
Ang hihiranging kampeon sa individual at team events ay tatanggap ng tig-P1 milyong premyo.
- Latest
- Trending