Cuello, Lopez umiskor ng panalo sa Mexico
MANILA, Philippines - Umiskor ng mahahalagang panalo sina WBC International minimumweight champion Denver Cuello at super flyweight Sylvester Lopez sa Plaza de Toros sa Juriquilla, Queretaro, Mexico upang makalapit sa kani-kanilang title shot.
Pinabagsak ng 24-anyos na si Cuello si Sebastian Arcos, pumalit kay Patricio Camacho, sa 2:24 sa third round ng kanilang non-title fight.
Makakasagupa ni Cuello, may 28-4-6 win-loss-draw ring record kasama ang 18 KOs, si Mexican Carlos Perez para sa bakanteng WBC silver minimumweight title sa Los Cabos sa Oktubre 15 para sa haharap naman kay No. 1 contender Ganigan Lopez.
Paglalabanan nina Cuello at Lopez ang magiging bakanteng WBC 105-pound throne sa Disyembre 10 sa undercard ng isang Mexico card na magtatampok kay WBC lightmiddleweight champion Saul ‘Canelo’ Alvarez.
Ang WBC minimumweight crown ay inaasahang isusuko ni Kazuto- Ioka matapos ang kanyang ikalawang pagdedepensa sa Nobyembre para sa pagtatakda ng Cuello-Lopez eliminator.
Inangkin naman ng 23-anyos na si Lopez (17-3-1, 13 KOs) ang WBC silver super flyweight title/world title eliminator makaraang patulugin si Oscar Ibarra sa 1:23 sa round eight.
Inaasahang lalabanan ni Lopez bilang isang mandatory challenger si world champion Suriyan Sor Rungvisai ng Thailand.
Ito ang magiging unang mandatory defense ni Rungvisai laban kay Lopez matapos umiskor ng isang unanimous decision kay Mexican Tomas Rojas para makuha ang WBC title noong Agosto 19.
- Latest
- Trending