Cardinals balik sa no. 4
MANILA, Philippines - Binuhay uli ng Mapua ang paghahabol sa huling puwesto sa Final Four nang durugin ang Emilio Aguinaldo College, 98-73, sa binabagyong laro sa 87th NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Gumawa si Josan Nimes ng 22 puntos habang 19 puntos, 11 rebounds at 5 assists naman ang ginawa ni Yousef Taha para pangunahan ang Cardinals na tinapos ang tatlong sunod na kabiguan tungo sa pagsalo sa pahingang Jose Rizal University sa ikaapat na puwesto tangan ang 7-9 baraha.
“We know the scenario kung paano kami papasok sa Final Four. Kahit natalo kami ng tatlong sunod ay alam naming nasa amin pa ang tsansa para makahabol sa Final Four. We’re just taking it one game at a time,” wika ni Cardinals coach Chito Victolero.
Kumawala ng 27 puntos kasama ang limang tres si Jan Jamon habang si Joshua Torralba ay mayroong 14 pero ang ibang gunners tulad nina Elyzer Paguia at Remy Morada ay nalimitahan lamang sa tig-limang puntos para matapos na rin ang kampanya sa Final Four ng Generals sa ika-12 kabiguan matapos ang 16 laban.
Tinapos ng Cardinals ang bakbakan sa pag-iskor ng 32 puntos sa huling yugto at si Nimes at Taha ay may 10 at 6 para bumulusok ang kanilang opensa.
Samantala, kinapitalisa naman ng host University of Perpetual Help System Dalta ang malamyang laro ng Letran Knights tungo sa 68-53 upset panalo sa unang laro.
Hiniritan ng Altas ng 23 turn overs ang Knights para pagningasin ang 21-4 palitan sa turnover points na siyang sinandalan ng host school para makuha ang ikaapat na panalo matapos ang 17 laro.
Si Chris Elopre ay naghatid naman ng pito sa kanyang 10 puntos sa huling yugto at kapos lamang siya ng dalawang puntos para tapatan ang pitong puntos na ginawa ng Knights sa last period.
Ito lamang ang ikatlong kabiguan ng Knights sa 15 laro pero mahalaga ito dahil naibigay nila ang solo ikalawang puwesto sa nagdedepensang San Beda.
Si Jet Vidal ay mayroong 18 puntos mamuno sa nanalong koponan habang 14 naman ang ginawa ni Jay Espiritu para sa natalong Knights.
- Latest
- Trending