WUHAN--Bagamat nagwakas na ang pagkakataon ng Smart Gilas Pilipinas na makalaro sa 2012 Olympic Games sa London, hindi pa rin sumusuko si Samahang Basketboll ng Pilipinas president Manny V. Pangilinan sa kanyang pangarap.
Sinabi ng business tycoon na mas magiging determinado pa rin siya sa programa ng SBP matapos ang fourth-place finish ng Nationals sa katatapos na 26th FIBA Asia Championship dito.
“Whatever it takes. Whether it’s 2012, 2016, 2020 or pag patay na ako (even when I’m dead),” sabi ni Pangilinan sa mga Filipino sportswriters.
Ito ang ipinangako ni Pangilinan sa kanyang pakikipag-usap kina FIBA president Yvan Mainini at secretary general Patrick Bauhmann matapos matalo ang Smart Gilas sa Korea para sa third place kamakalawa.
“They were complimentary and encouraging. They told me we 'made some progress, big progress, just keep on doing what you’re doing.' I told them 'we will not lose our dream of one day entering the Olympics,'” ani Pangilinan.
“No matter what the people expect, I’m determined to see our support of the program. I’m determined to see one day the Philippines entering the Olympics,” dagdag pa ng Phl cage federation chief.
Magkahalo rin ang nararamdaman ni Pangilinan ukol sa fourth-place finish ng Nationals sa naturang 16-nation meet na nagsilbing regional eliminator para sa London Olympics.
Limang minuto na lamang ang kailangan para matiyak ang bronze medal, hindi nabantayan ng Smart Gilas si Cho Sungmin patungo sa 70-68 panalo ng Korea.
Inangkin naman ng China ang nag-iisang tiket para sa 2012 Lonodon Games matapos lusutan ang Jordan, 70-69.