Ateneo uukit ng kasaysayan sa FEU
MANILA, Philippines - Malalaman ngayon kung bitbit na ba ng Ateneo ang mga walis sa ikawalang pagtutuos nila ng FEU sa 74th UAAP men’s basketball Finals sa Araneta Coliseum.
Ganap na alas-3 ng hapon matutunghayan ang bakbakan at ang Eagles ay papasok sariwa sa 82-64 panalo sa Tamaraws sa Game One nitong Sabado.
Makikita rin sa araw na ito ang tagisan ng Adamson at FEU sa ganap na alas-9 ng umaga at FEU at National University dakong alas-11 ng tanghali para sa women’s at juniors finals.
Kung manalo ang tropa ni coach Norman Black, makukumpleto nila ang four-peat at maihahanay ang koponan sa UE, UST at La Salle na nakagawa na ng ganitong marka sa liga.
“Obviously we need to win the next game otherwise we will give them the momentum. If we don’t win, they will have the confidence going into Game Three,” wika ni Black.
Kumbinsido naman ang beteranong coach na makakaya ng kanyang bataan na makumpleto ang 2-0 sweep matapos ang dominasyon na ginawa sa unang tagisan.
Dikit sa first half ang magkabilang koponan pero umalagwa ang Eagles dala na rin ng pagtutulungan nina Nico Salva, Greg Slaughter at Kiefer Ravena.
Maliban sa opensa, ilalatag uli ng Eagles ang depensang sumupil sa pick and pop play ng Tamaraws.
Ngunit handa naman ang FEU na bigyan ng mas magandang laban ang Eagles para maihirit ang do-or-die game sa Oktubre 1.
“Gagawa kami ng adjustments at malay natin, suwertehin kami,” wika ni Flores.
Si Terrence Romeo at Russel Escoto na binalikat ang Tamaraws sa pinagsamang 35 puntos ang aasahan uli pero dapat na tumulong sina RR Garcia, Cris Tolomia at Aldrech Ramos na nalimitahan sa 9, 6 at 5 puntos.
Bago ang bakbakang ito ay tatanggap muna ng parangal ang piling manlalaro na nakitaan ng husay sa season.
Mangunguna sa pararangalan ay si Bobby Ray Parks Jr. ng National University na siyang hinirang bilang MVP ng liga.
- Latest
- Trending