Rivera, Clutario sa World Cup finals
MANILA, Philippines - Magkakaroon ng pagkakataon si dating world champion Biboy Rivera na higitan ang bronze medal na naiuwi noong nakaraang edisyon sa pagsungkit niya ng karapatang maglaro uli sa 2011 Bowling World Cup sa Johannesburg, South Africa.
Nakuha ni Rivera ang karapatan nang dominahin ang national competition na nagtapos kamakailan sa SM Mall of Asia.
Ang 37-anyos na si Rivera ay nanalo kay Sammy Say Sy sa best-of-three series, gamit ang 207-202 at 228-197 panalo.
Bago ito ay umiskor ng 203 si Rivera sa 32nd game upang magkaroon ng 6777 pins sa 32-game elimination at maging number one sa 211.78 average.
Minalas naman ang naunang nagdodomina na si Kenneth Chua na nagkaroon lamang ng 159 sa huling laro sa eliminasyon para malagay sa ikalawang puwesto.
Makakasama ni Rivera sa Toulon, France si Liza Clutario na mainit sa buong labanan sa ladies division.
Makailang-ulit nang nagbigay ng gintong medalya ang bansa sa SEA Games, si Clutario ay gumawa ng 5736 o 204.86 average sa 28-game elimination para maging number one.
Tinalo niya sa best-of- three Finals si Lara Posadas sa 203-168 at 211-177 iskor. Si Lara ay nakarating sa Finals nang talunin ang kapatid na si Apple, 186-160 , 231-193.
Ang World Cup ay gagawin mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 7 at may sapat pang panahon para makapaghanda sina Rivera at Clutario.
Ang 6-time world champion at 4-time World Cup champion na si Paeng Nepomuceno ay minalas sa paghahabol sa unang tatlong puwesto nang magkaroon ng 159 sa unang game para kapusin ng 26 pins.
- Latest
- Trending