Krusyal na panalo pakay ng Cardinals vs Generals

MANILA, Philippines -  Matapos mapalaban at mabigo sa nangungunang mga koponan, inaasahang ibayong laro ang makikita uli sa Mapua sa pagpasok sa mga mahahalagang tag­po ng 87th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Katunggali ng Cardinals ang naghihingalong Emilio Aguinaldo College dakong alas-4 at nangangailangan ng panalo para maibalik ang sarili sa pag-okupa sa mahalagang pang-apat na puwesto sa team stan­dings.

Matapos ang apat na su­nod na panalo ay tatlong matitinding kabiguan naman ang bumulaga sa Cardinals nang kinaharap ang Letran (67-69), San Sebastian (69-72) at San Beda (59-76) para makita ang sarili na kasalo ang pa­hingang guest team sa ikalima at anim na puwesto sa 6-9 baraha.

Solo ang Jose Rizal Uni­versity sa ikaapat na pu­westo sa 7-9 karta at ayaw ng Cardinals na malayo sila ng dalawang laro kung matatalo dahil dalawang laro na lamang sila sa eliminasyon.

Hindi naman basta-bas­ta padadaig ang Generals na must-win sa nalalabing tatlong laban para magkaroon pa ng tsansa sa huling puwesto sa Final Four.

Dinurog ng tropa ni coach Chito Victolero ang bataan ni coach Gerry Esplana sa unang pagtutuos, 80-63, para magkaroon ng psychological advantage sa mahalagang labanan na ito.

Samantala, kakalas na­man ang Letran sa pa­ki­kisalo sa San Beda sa ika­lawang puwesto sa pagharap sa talsik nang host na University of Perpe­tual Help System Dalta sa larong itinakda ganap na ika-11:45 ng tanghali.

Tangan ng tropa ni coach Louie Alas ang wa­long sunod na panalo at inaasahang walang magi­ging problema sa kanila ang Altas na umuwing ta­lunan sa huling tatlong asig­natura at tuluyang na­maalam na sa torneo.

Show comments