Krusyal na panalo pakay ng Cardinals vs Generals
MANILA, Philippines - Matapos mapalaban at mabigo sa nangungunang mga koponan, inaasahang ibayong laro ang makikita uli sa Mapua sa pagpasok sa mga mahahalagang tagpo ng 87th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Katunggali ng Cardinals ang naghihingalong Emilio Aguinaldo College dakong alas-4 at nangangailangan ng panalo para maibalik ang sarili sa pag-okupa sa mahalagang pang-apat na puwesto sa team standings.
Matapos ang apat na sunod na panalo ay tatlong matitinding kabiguan naman ang bumulaga sa Cardinals nang kinaharap ang Letran (67-69), San Sebastian (69-72) at San Beda (59-76) para makita ang sarili na kasalo ang pahingang guest team sa ikalima at anim na puwesto sa 6-9 baraha.
Solo ang Jose Rizal University sa ikaapat na puwesto sa 7-9 karta at ayaw ng Cardinals na malayo sila ng dalawang laro kung matatalo dahil dalawang laro na lamang sila sa eliminasyon.
Hindi naman basta-basta padadaig ang Generals na must-win sa nalalabing tatlong laban para magkaroon pa ng tsansa sa huling puwesto sa Final Four.
Dinurog ng tropa ni coach Chito Victolero ang bataan ni coach Gerry Esplana sa unang pagtutuos, 80-63, para magkaroon ng psychological advantage sa mahalagang labanan na ito.
Samantala, kakalas naman ang Letran sa pakikisalo sa San Beda sa ikalawang puwesto sa pagharap sa talsik nang host na University of Perpetual Help System Dalta sa larong itinakda ganap na ika-11:45 ng tanghali.
Tangan ng tropa ni coach Louie Alas ang walong sunod na panalo at inaasahang walang magiging problema sa kanila ang Altas na umuwing talunan sa huling tatlong asignatura at tuluyang namaalam na sa torneo.
- Latest
- Trending