Danny I, Castro; Santos pararangalan sa PBAPC Annual Awards
MANILA, Philippines - Kabilang sina Jason Castro ng Talk ‘N Text at Arwind Santos at Danny Ildefonso ng Petron Blaze ang gagawaran ng parangal para sa 2011 PBA Press Corps Annual Awards sa Setyembre 30 sa Topaz Room ng Gateway Suites sa Cubao, Quezon City.
Si Castro ang tatanggap ng Maynilad Mr. Quality Minutes award, habang si Santos ang nahirang na Handy Fix Defensive Player of the Year at si Ildefonso ang kinilalang Comeback Player of the Year.
Bilang Comeback Player of the Year, tatanggapin ni Ildefonso ang William ‘Bogs’ Adornado Trophy.
Ang pinakatampok sa naturang annual awards ay ang pagbibigay ng Virgilio “Baby” Dalupan Trophy at ng Danny Floro Trophy sa tatanghaling Coach of the Year at Executive of the Year, ayon sa pagkakasunod.
Dahil sa pagiging back-to-back champions sa nakaraang 36th season ng Tropang Texters, paboritong manalo sina coach Chot Reyes at team owner Manny V. Pangilinan.
Ang iba pang award na ipamimigay ay ang Accel Order of Merit winner, Energen All-Rookie Team at ang Referee of the Year. Ang Order of Merit winner ay isang player na nakakuha ng pinakamaraming Best Player of the Week citations sa season.
Inihahandog ng San Miguel Corp., Talk N Text at Powerade, ilulunsad rin sa event ang annual magazine ng PBA Press Corps na The Extra Period na nagtatampok sa magandang ipinakita ng mga awardees.
Sina PBA commissioner Chito Salud, current board chairman Merit Mondragon, dating chairman Rene Pardo at iba pang PBA officials ay inaasahang dadalo sa awarding.
Si Castro ang ‘hands-down’ choice bilang Mr. Quality Minutes mula sa kanyang ibinibigay na enerhiya sa Tropang Texters mula sa bench.
Nagbigay ang 5-foot-10 guard ng Philippine Christian U ng impact sa dalawang kampeonato ng Tropang Texters sa PBA Philippine Cup at Commissioner’s Cup kung saan siya kinilala ng dalawang beses bilang co-Finals MVP kasama si Jimmy Alapag.
- Latest
- Trending