Football team alanganin pa sa 26th SEA Games
MANILA, Philippines - Nangangamba ang Philippine Football Federation (PFF) sa masamang epekto kung sakaling hindi maisama uli ang kanilang koponan sa 26th SEA Games sa Indonesia sa Nobyembre.
Ayon kay PFF secretary-general Ramon Manuel, ngayon lamang nakita sa matagal na kasaysayan ng football sa bansa ang pagtutulungan ng halos lahat ng sektor upang buhayin ito.
“Mula sa private individuals hanggang sa private sectors ay tumutulong na para mapalakas ang football sa bansa. Kaya maaaring maapektuhan ito kung hindi maipapadala ang futsal o U23 football team sa SEA Games,” wika ni Manuel.
Alanganin pa ang football dahil sa mababang tsansa sa medalya na isa sa dapat na taglay ng team sports.
Pero hindi umano dapat na maging sukatan ang pagpanalo ng medalya dahil ang SEAG ay maaaring gamitin upang makilatis kung nasaan na ang antas ng football sa rehiyon.
“Matapos ang SEAG ay malalaman natin kung ano pa ang dapat nating gawin,” paliwanag pa ng PFF official. Huling naglaro ang men’s football team sa SEAG ay noon pang 2005 sa Pilipinas habang ang girls futsal team ay sumali sa 2007 Thailand SEAG at nanalo ng bronze medal.
Wala pang opisyal na pahayag ang POC sa estado ng football kaya matibay pa rin ang paniniwala ng PFF na may mapapahintulutang koponan ang NOC para makalaro sa Indonesia.
- Latest
- Trending