Apinan hinirang na NCAA Player of the Week

MANILA, Philippines - Isang dahilan kung bakit patuloy ang pag-usad ng Jose Rizal University ay ang ipinakikitang impresibong paglalaro ni Jeckster Apinan.

Hindi man siya kasing dominante gaya ng ibang malalaking manlalaro ng kasaping koponan ay na­ibibigay naman ni Apinan ang larong hanap ng kanyang koponan upang malagay ngayon ang Heavy Bombers sa mahalagang ikaapat na puwesto sa 87th NCAA men’s basketball.

May 12 puntos, 12.5 rebounds, 1.5 steals at 1.5 blocks average ang 6’3 na si Apinan nang manalo ng dalawang laro ang tropa ni coach Vergel Meneses para hirangin din siya bilang ACCEL/3XVI NCAA Press Corps Player of the Week na handog din ng Gatorade.

Gumawa si Apinan ng double-double na 17 puntos at 10 rebounds nang manalo ang Heavy Bombers sa St. Benilde, 78-63, noong Lunes.

Laban sa host Perpetual Help na umabot sa overtime bago nakuha ng JRU ang 64-57 tagumpay, si Apinan ay kumulekta ng 13 rebounds at 3 blocks upang isama sa 7 puntos.

Ang dalawang tagum­pay ay nagpalawig sa apat na sunod ang pagpapanalo ng JRU sa NCAA.

Show comments