Francisco pinatahimik si Domingo
MANILA, Philippines - Pinatahimik ng mga kamao ng dating WBA interim super flyweight champion Drian Francisco ang naunang nag-ingay na si Michael Domingo nang kunin niya ang unanimous decision sa kanilang 10-rounder nitong Biyernes ng gabi sa Makati Coliseum.
Hindi pinahintulutan ni Francisco na maisakatuparan ni Domingo ang naunang ipinagyabang na patutulugin siya sa laban nang gamitan niya ng bilis ng pagkilos.
Sinabayan pa nito ng mga magagandang patama mula sa istilo ng pagsuntok na siya lamang ang nakakagawa para ibigay ng tatlong hurado ang dalawang 96-93 at isang 95-94 pabor kay Francisco.
“Hindi ako nagpahuli sa kanya. Maganda ang taktikang ginamit namin at hindi rin talaga ako nagpabaya sa kabuuan ng laban,” wika ni Francisco na naibangon ang sarili matapos lasapin ang unang kabiguan sa kamay ni Tepparith Singwancha ng Thailand noong Mayo 1 para maisuko ang hawak na titulo.
May 21-1-1 kasama ang 16KOs ngayon si Francisco habang ang 32-anyos na si Domingo ay nalaglag sa 42-16-3 kasama ang 23 KOs.
Kinumpleto naman ni Roberto Gonzales ang pagdodomina ng mga boksingero ni Anuran nang bumangon ito mula sa pagkakatumba sa sixth round para kunin ang split decision panalo laban sa one-time world title challenger Balweg Bangoyan.
Mas naging agresibo si Gonzales sa huling tatlong rounds at tinarget ang ulo ni Bangoyan upang makumbinsi ang dalawang hurado na ibinigay ang laban sa kanya sa mga iskor na 97-93 at 95-94. Ang ikatlong hurado ay pumanig kay Bangoyan sa 96-93.
- Latest
- Trending