Tikas ng Gilas 'di umubra sa Jordan
MANILA, Philippines - Nagwakas na ang pinapangarap na finals appearance ng Smart Gilas Pilipinas sa 26th FIBA-Asia Men’s Championships.
Ito ay matapos matalo ang Smart Gilas sa Jordan, 61-75, sa semifinal round ng torneo kahapon sa Wuhan gymnasium sa China.
Bago payukurin ang Nationals, ginulantang muna ng Jordanians ang two-time champion Ira-nians, 88-84, sa quarterfinals noong Biyernes.
Ang masamang fieldgoals shooting ng Smart Gilas ang siyang nagresulta sa kanilang unang kabiguan matapos magposte ng isang five-game winning streak, kasama na rito ang 95-78 paggiba sa Chinese-Taipei sa quarterfinals.
Nauna nang binigo ng Nationals ang Jordanians, 72-64, sa second round.
Ang magkakampeon sa torneo ang siyang makakakuha ng automatic slot para sa 2012 Olympic Games sa London.
Ang second at third placers naman ang makakasama ng mga runners up mula sa Europe, America, Africa at Oceania para sa Olympic Qualifying Tournament. Ang top three teams ang makakasikwat ng huling tatlong tiket para sa 2012 London Olympics.
Jordan 75 – Wright 24, Daghles 16, Abbas 14, Abuqoura 9, Jamal 5, Abbaas 5, Al-Sous 2, Alkhas 0, .
Philippines 61 – Douthit 21, Casio 15, De Ocampo 8, Williams 6, Lutz 4, Barroca 4, Lassiter 2, Alapag 1, Taulava 0, Tiu 0.
Quarterscores: 12-18, 27-28, 49-41, 75-61.
- Latest
- Trending