MANILA, Philippines - Hindi na makapaghintay si Manny Pacquiao para sa ikatlong pagtutuos nila ni Juan Manuel Marquez.
Naipakita ni Pacquiao ang tila pagkainip nang agad na isinabak ang sarili sa sparring sa kaagahan ng pagsasanay sa Baguio City.
Ipinilit na ni Pacquiao na sumailalim sa sparring kay trainer Freddie Roach dahil nararamdaman niyang handa na siya rito.
“Dapat ay sa Tuesday pa magsisimula pero feeling ko kundisyon na ako,” wika ni Pacquiao na nagsasanay na sa Baguio City.
Kahit si Roach ay nagulat sa magandang pangangatawan ng pambansang kamao na itataya ang WBO welterweight title laban kay Marquez sa Nobyembre 12.
Di tulad sa mga nakaraang laban, mas seryoso si Pacquiao na pinaghahandaan ang sagupaang gagawin sa MGM Grand Arena sa Las Vegas
Itataya ni Pacman ang hawak na WBO welterweight title pero higit sa mapanatili ang titulo, nais niyang talunin si Marquez upang patahimikin ito.
Ipinangangalandakan ni Marquez na siya ang tunay na nanalo sa naunang dalawang pagtutuos na siyang ikinaiinis ni Pacquiao.
Taong 2004 unang nagkrus ang landas ng dalawang boksingero at tabla ang resulta ng sagupaan. Noong 2008 nagkita uli sina Pacquiao at Marquez at nanalo ang ipinagmamalaki ng Pilipinas gamit ang split decision.
Bago pa man tumulak pa-Baguio ay nagsasanay na si Pacquiao ng sarili sa Planet Jupiter sa Makati at sa MP Tower na dating kilala bilang L&M Gym sa Manila.
Hinarap nga sa sparring ni Pacman ang Venezuelan lightweight Jorge Linares at aminado si Linares na mabibigat ang mga suntok ang kanyang naramdaman sa naganap na four-rounder.