Star Group binugbog ang Secret Spices sa MBL
MANILA, Philippines - Sumakay ang STAR Group of Publications sa maiinit na mga kamay nina Jong Bondoc at Dennis Rodriguez upang pabagsakin ang Secret Spices, 85-70 at isubi ang unang outright semifinals berth sa 2011 MBL Corporate Cup basketball championship kagabi sa Aquinas gym sa San Juan.
Tumapos si Bondoc ng 18 puntos, habang nagdagdag si Rodriguez ng 15 puntos sa 1-2 scoring punch na siyang nagpaningas sa opensiba ng Starmen tungo sa kanilang ikalimang panalo sa eight-team tournament na ito na hatid ng Cebuana Lhuillier, Ironcon Builders, Dickies underwear, PRC Couries at WG Diners.
Binanderahan nina Bondoc at Rodriguez ang sunud-sunod na running game na tinampukan ng impresibong drives at outside shooting upang idiskaril ang tangkang pagbangon ng Secret Spices.
Pero nagsilbing bayani ng Starmen ang tikas ni Gio Coquilla na siyang naghatid ng mahalagang back-to-back triples upang buhusan ng malamig na tubig ang atake ng Secret Spices at selyuhan ang kanilang panalo.
Naglista sina Lester Reyes at Ver roque ng tig-10 puntos at walo naman ang kay Coquilla.
Samantala, tangka naman ng Parola Maritime (4-1) ang ikalawang outright semis sa pagharap sa kulelat na Makati Medical Center (0-4) ngayong alas-7 ng gabi sa San Andres gym.
Sa tournament format, ang top two teams ang uusad sa semis outright at maglalaban-laban ang apat na teams para sa nalalabing dalawang semis slot.
Star Group 85 -- Bondoc 18, Rodriguez 15, Reyes 10, Roque 10, Coquilla 8, Ortega 7, Geocada 6, Reducto 6, Tabang 3, Sangalang 2, Martinez 0, Corbin 0.
Secret Spices 70 -- Magbanua 17, Ignacio 15, Lingao-Lingao 11, Villarta 10, Baltazar 5, Litonjua 5, Reyes 4, Wang 2, Santos 1, Jamil 0, Rulloda 0.
Quarterscores: 22-16, 39-32, 60-51, 85-70.
- Latest
- Trending