MANILA, Philippines - Inaasahan na ang paglalaro ni Japeth Aguilar para sa Talk ‘N Text sa darating na 37th season ng Philippine Basketball Association (PBA) na magbubukas sa Oktubre 2.
Nagpakita ang 6-foot-9 na si Aguilar ng matutunghayan sa kanyang paglalaro sa PBA mula sa ipinamalas sa kampanya ng Smart Gilas-Pilipinas sa kasalukuyang 26th FIBA-Asia Men’s Championships sa Wuhan, China.
Sa kanilang 113-71 panalo sa Bahrain, magkasabay na ipinasok ni Serbian coach Rajko Toroman sina Aguilar, Kelly Williams at Ranidel de Ocampo na magiging frontline ng Tropang Texters sa PBA.
Halos dalawang taon ang ibinuhos ng anak ni dating PBA player Peter Aguilar sa programa ng Smart Gilas.
Sa naturang tagumpay kontra sa Bahrain, naglaro lamang ang dating Western Kentucky University stalwart sa second half ngunit tumapos siya na may team-high 21 points at 12 rebounds.
Iniskor ni Aguilar ang 14 markers sa third quarter nang magsimula nang lumayo ang Nationals sa Bahrainis.
“We have two new recruits in Japeth (Aguilar) and rookie Pamboy (Raymundo), so that should make the team a bit stronger,” sabi ni team owner Manny V. Pangilinan, sinamahan ang Nationals sa kanilang pagsabak sa FIBA-Asia bilang pangulo ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).
Inamin rin ni Pangilinan na nadismaya siya nang mabigo ang Tropang Texters na mahablot ang pinapangarap na Grandslam sa nakaraang 36th season ng liga.
Ang PLDT franchise sana ang magiging pang apat na koponang nakasikwat ng Grandslam matapos ang maalamat na Crispa (1976 at 1983), San Miguel (1989) at Alaska (1996).
“But it’s not the end of the world,” sambit nito.
Maliban kina Aguilar, Williams at De Ocampo, hiniram rin ng Smart Gilas si 2011 PBA Most Valuable Player Jimmy Alapag para sa qualifying meet ng 2012 London Olympics.
“We’ll take it as it comes, one game at a time, one conference at a time,” sabi ni Pangilinan sa pangarap pa ring Grandslam ng Talk ‘N Text sa PBA.