Lady troopers ang reyna

MANILA, Philippines - Kinailangan pa ng Lady Troopers ang fifth set para ganap nang mapitas ang inaasam na Shakey’s V-League Open Conference title.

Pinayukod ng Philippine Army ang San Sebastian College-Recoletos, 27-25, 20-25, 22-25, 25-23, 15-10, sa Game Two para walisin ang kanilang championship series kahapon sa The Arena sa San Juan.

Tinapos ng Lady Troo­pers ang kanilang best-of-three titular showdown ng Lady Stags sa 2-0.

“Hindi ko inaasahan na mananalo kami dito kahit na halos national team members ang mga players ko kasi may malalakas na import ang kalaban,” ani Army head coach Rico de Guz­man.

Nang makuha ng Army ang first set, hindi naman nagpabaya ang San Sebastian, ang 2008 second conference champion, sa kanilang pag-angkin sa se­cond at third set.

Mula sa pagbandera nina Rachel Ann Daquis at Mary Jean Blase, naitabla ng Lady Troopers ang laro sa 2-2 patungo sa deci­ding set.

 Sina Balse at ang mag­­-utol na Michelle at Mariet­ta Carolino ang ku­muha sa unang anim sa pi­tong puntos sa fifth set p­ara sa unang korona ng Lady Troopers.

Nauna nang ibinulsa ng Army ang 25-9, 25-20, 25-16 panalo sa kanilang series opener ng San Sebastian noong Linggo.

Sa unang laro, binigo ng Ateneo De Manila University ang Philippine Navy, 14-25, 25-20, 25-18, 19-25, 15-10, upang ganap nang sikwatin ang third place trophy.

Inangkin ng Lady Eagles ang anim sa huling pitong puntos sa fifth set para ta­pusin ang kanilang laro ng La­dy Sailors sa loob ng isang oras at 54 minuto.

Nagtala si Alyssa Valdez ng 23 points, 3 blocks at 2 service aces para pamu­nuan ang Ateneo, ang first con­ference champion.

Humataw si Fille Cainglet ng 17 points, habang may 10 hits si Gretchen Ho bukod pa ang 3 blocks at nagdagdag si Dzi Gervacio ng 8 points.

Binanderahan naman ni Aiza Mazo ang Navy sa kan­yang 20 points, may 16 si MicMic Laborte at 13 si Nene Yba­ñez.

Show comments