MANILA, Philippines - Inilabas nig Pinoy na si Victor Arpilleda ang kanyang matikas na porma matapos isubi ang 2011 Jogjakarta 9-Ball Open na idinaos sa Indonesia nitong Linggo.
Naungusan ni Arpilleda, naka-base na sa Jakarta ang kalabang si Irsal Nasution ng host country, 11-10 sa finals upang maibulsa ang US$7,000 top prize at championship trophy.
Nakarating sa finals si Arpilleda nang kanyang igupo ang Philippine Open titlist na si Ricky Yang ng Indonesia, 9-4 sa semifinals sa torneong ito na nilahukan ng 128 mahuhusay na bilyarista kabilang ang mga foreign players.
Matatandaan na nitong nakaraang Linggo, napagwagian naman ni Dennis Orcollo ang 2011 Predator International 10-Ball Open sa Robinson’s Place sa Ortigas matapos pataubin si Mika Immonen ng Finland, 10-8 sa finals at angkinin ang korona at top prize na $10,000 at eleganteng Predator trophy.
Ang panalong ito nina Orocllo at Arpilleda ang gagawin nilang inspirasyon sa pagsabak naman sa 2011 BSCP National Championships na magbubukas sa Oktubre 3-11 sa Star Billiards Center sa Grace Village, Quezon City.
Gagamitan ang nasabing torneo ng three-game format. At sa labanan para sa men’s championship, maghaharap ang manlalaro sa tatlong disciplines--eight ball, nine-ball at ten-ball sa bawat tournament.
Madedetremina ang 2011 men’s champion base sa kabuuang puntos na nalikom ng bawat manlalaro mula sa tatlong tournament.
Ang mga manlalarong babae naman ay lalahok lamang sa isang 10-ball event.